Kung matagal ka ng sumusubaybay sa PBA, alam mo kung anong klaseng balasahan sa coaching Staff ang nangyari sa 2 koponan na nasa Finals ngayon. Ang San Mig Coffee Mixers at ang Petron Blaze boosters.
Simulan natin sa San Mig Coffee Mixers, naaalala nyo pa ba nung una silang hinawakan ni Coach Ryan Gregorio? Kapanahunan pa yun ni Capt. Alvin Patrimonio. Hindi ba't sa kinaaga aga ng career ni RG bilang coach ng Purefoods (dating pangalan ng San Mig Coffee) ay napagchampion nya agad ang koponang ito?
Kung hindi ako nagkakamali, sa walong taon ni Gregorio sa Purefoods ay naihatid nya ito sa finals ng 5 beses kabilang ang 3 championship. Maraming Purefoods fans ang minahal si RG dahil nga sa siya ang dahilan kung bakit nagkaron ang team na ito ng mga players tulad ni Pingris, Simon at Yap.
Dumako naman tayo sa Petron. Noon pa man, merong nagiisang point guard na tinitingala ang San Miguel(dating pangalan ng Petron) players, coaches at pati mga fans. Eto ay walang iba kundi si Olsen Racela. Ilang championships na nga ba ang naibigay ng mga 3 points, mga assists at leadership ni Racela sa team na ito?
Nung nagkabalasahan sa coaching staff ng Petron, nagkaron ng masusing pagpili ng itatalagang coach ang team na to. Pumasok sa eksena si Rajko Toroman. Dito nagkagulo sa coaching ng Petron. Di malaman ng players kung sinong papakinggan nila. Nung mawala si Toroman sa Petron, nasolo ni Racela ang paghandle sa team. Sa kasamaang palad, hindi naging maganda ang resulta para kay Olsen.
Balik tayo sa present, sa ngayon ang San Mig Coffee ay pinapamunuan na ni Coach Tim Cone at si Coach Gee Abanilla naman ay pinapamunuan ang Petron. Pano nangyari ito?
Ang San Mig Coffee, iniwan ni Ryan Gregorio at lumipat sa Meralco Bolts sa di malamang dahilan. Sa paglipat nyang yun, humalili sa kanya si Coach Jeorge Gallent at hinawakan ang team ng isang taon. Napakasamang experience yun para kay Gallent dahil hinawakan nya ang team sa panahon na karamihan ng players ay may iniindang injury.
Nagulantang na lang ang lahat dahil pagkatapos ng isang taon, ay iniwan ni Coach Tim Cone ang Alaska at lumipat sa Bmeg Derby Ace Llamados (San Mig Coffee). Sa unang taon pa lang nya sa team ay masasabing successful naman ang kanyang paglipat. Positive results palagi ika nga maliban sa pagkakasilat nila laban sa Powerade.
Ang Petron naman, naging masaya ang Petroniverse(Petron Fans) nang maging head coach na ng kanilang koponan ang tinuturing nilang pinakamagaling na point guard na naglaro para sa kanila. Kasi nga daw pag magaling kang point guard, panigurado magiging magaling ka ding coach pero tulad ni Jeorge Gallent, 1 taon lang din hinawakan ni Racela ang Petron. At katulad nga, masaklap din ang naging resulta nito para sa Petron.
Dito na nagkaron ng Balasahan, si Racela ay nalipat sa San Mig Coffee. At humalili sa kanya ang kanyang assistant coach na si Gee Abanilla. Sa unang subok ni Gee sa Petron, heto at finals agad.
Sa pagkawala ni Ryan Gregorio at Olsen Racela sa Purefoods at Petron, tila mas nagbunga pa ito ng magandang kapalaran sa kanila.
Mula ng mapunta kasi si Tim Cone sa San Mig ay nagtuloy tuloy na ang tagumpay ng team na to. Di man champion pero laging nasa top 4 ang kanilang koponan. Ganun din sa Petron, na sa pagkawala ni Racela na di naging effective para sa Petron, sa paghalili sa kanya ni Gee Abanilla ay naitawid agad nito sa Finals ang kanyang koponan.
Naging Blessing pa diba po? Ang Fan favorite na si Gregorio at Racela kapalit ng mga effective coaches na si Cone at Abanilla, hindi sa sinasabi kong di effective si Ryan at Olsen ah.. Mas naging maganda lang kasi ang resulta para sa kani kaniyang team ng malipat sila..


No comments:
Post a Comment